
Enrique E. Beren
Young Bataeños for Environmental Advocacy Network
Bataan, Central Luzon
Kabataan para sa Kinabukasan
Ako si Eric Beren, mula sa Young Bataeños for Environmental Advocacy Network. Isang malaking karangalan ang maging bahagi ng kauna-unahang National Mangrove Youth Summit—isang pagtitipon na hindi lang nagbigay ng bagong kaalaman kundi nagbukas din ng pag-asa.
Sa loob ng ilang araw, naranasan namin kung paano maging bahagi ng isang mas malaking pagkilos para sa ating kalikasan. Ang summit na ito ay hindi lang isang ordinaryong pagtitipon—isa itong paglalakbay, isang serye ng mga karanasang para sa layuning itaguyod ang sustenableng kalikasan para sa lahat.
Kung maipapakita ko sa inyo ang aming naging karanasan, ito ay mailalarawan sa tatlong malinaw na litrato:
Ang unang larawan ay larawan ng kaalaman, pagkakataong matuto mula sa mga eksperto sa larangan ng marine and mangrove conservation. Lalo na kay Dr. Primavera, na buong buhay na inilaan sa mangrove conservation. Ang kanyang dedikasyon ay nagbigay sa amin ng bagong pananaw kung gaano kahalaga ang mga bakawan sa pagpapanatili ng ating ecosystema. At syempre, hindi rin matatawaran ang kwento at kaalaman na ibinahagi ni Kuya Junrey—mula sa mga diskusyon hanggang sa immersion, punong-puno kami ng bagong kaalaman, inspirasyon, at saya. (P.S. Sana mas humaba pa ang inyong buhay para mas marami pa kayong maturuan!)
Hindi rin matatawaran ang mga panel sessions kung saan nakilala namin ang iba't ibang environmental leaders, mula sa mga beterano hanggang sa kapwa naming kabataan na nagsusumikap ding ipaglaban ang kalikasan. Napagtanto ko na hindi kami nag-iisa sa laban na ito—marami pang mga tao, lalo na sa hanay ng mga kabataan, na may parehong pangarap at determinasyong iligtas ang ating kalikasan.
Ang ikalawang larawan ay ang larawan ng pagkakaisa, oportunidad para sa pakikipag-ugnayan sa iba pang kabataang may katulad naming nagnanais ng isang ligtas na kinabukasan para sa lahat. Sa pamamagitan ng bagong kaibigan at network, mas naging malinaw ang imahe kung paano natin mapagtatagpi-tagpi ang iba’t ibang inisyatiba upang mas maging epektibo ang ating mga kilos. Hindi lang pormal na sesyon ang nagbigay ng koneksyon—mas naging malalim ang aming samahan sa mga sandali ng kwentuhan, sa gitna ng mga pahinga, sa campsite, at lalo na sa reflection sharing sa paligid ng bonfire. Dito namin naramdaman na hindi lang ito tungkol sa environmental work kundi tungkol din sa pagbuo ng isang komunidad ng mga taong may iisang adhikain.
Ang ikatlong larawan ay larawan ng inspirasyon, inspirasyon mula sa mga kwento ng mga kapwa ko kabataan—kung paano ang simula ng aming environmental journey, ang mga pagsubok na hinarap, at kung paano patuloy na lumalaban. Sa reflection sharing sa gitna ng campsite, ramdam na ramdam ko ang koneksyon sa isa’t isa, pati na rin ang mas malalim na koneksyon sa kalikasan.
Paglalakbay Patungo sa Kinabukasan.
Maikli man ang panahon ng summit, napagtanto ko na malayo pa ang ating lalakbayin bilang isang komunidad. Pero tulad ng isang marathon, mahalaga ang bawat unang hakbang. Ang pagsisimula natin ngayon ay isang pangakong hindi tayo titigil, anuman ang pagsubok na dumating. Oo, may mga hadlang—mga batuhan, matinding sikat ng araw, ulan—pero hindi ito dapat maging dahilan upang huminto tayo. Sa halip, ito ang magbibigay-lakas sa ating determinasyon na ipagpatuloy ang laban. Sa bawat hakbang, sama-sama tayong susulong para sa isang kinabukasang ligtas para sa lahat.
Maraming salamat! Tuloy ang laban para sa kalikasan!